Marami akong natutunan sa aming mga
nakaraang talakayan o diskusyon sa Araling Panlipunan. Unang paksa, napag-aralan namin ang tungkol sa Pisikal
na Katangian ng Daigdig. Dahil dito natutunan ko ang tungkol sa estruktura ng
daigdig, plates, hemispheres, longitude at latitude, Prime Meridian, Equator,
International Date Line, at iba pa. Natutunan ko rin ang tungkol sa
klima. Ito ang kalagayan o kondisyon ng atmospera sa isang rehiyon o lugar sa
matagal na panahon. Maraming mga salik ang NAKAAAPEKTO sa klima ng isang lugar
o rehiyon at ang mga ito ay ang natatanggap na sinag ng araw ng isang lugar
depende sa latitude at gayon din sa panahon, distansya mula sa karagatan, at
taas mula sa sea level. Dahil dito napagtanto ko na mahalaga ang klima ng isang
bansa dahil ito ang pinagbabasehan ng mga kilos, pananamit, at hanapbuhay ng
mga tao sa isang lugar o bansa. Mahalaga ang longitude at latitude sapagkat ginagamit
ito sa pagtukoy ng lokasyon ng isang bansa o kahit anong parte sa mapa sa
paraang “absolute,” “astronomical,” o tiyak. Napag-aralan at natutunan ko rin
ang 7 kontinente sa mundo na may iba’t ibang katangian. Natalakay din ang
topograpiya o ang pisikal na katangina ng isang lugar o rehiyon. Ito ang mga
anyong lupa tulad ng mga bundok at anyong tubig tulad ng mga karagatan.
Ikalawang
paksa naman na aming napag-aralan ay ang Heograpiyang Pantao. Saklaw nito ang
wika, relihiyon, lahi, at pangkat-etniko. Ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang
bansa ay may iba’t ibang wika na tinatayang 7,105 ang buhay. Ang wika ay napakahalaga dahil ito ang
itinuturing na kaluluwa ng isang bansa at nagbibigay ng pagkakakilanlan sa mga
taong kabilang sa isang pangkat. Iba’t iba rin ang relihiyon ng mga tao sa
mundo tulad ng Kristiyanismo, Islam, Buddhismo, atbp. Ang relihiyon naman ay ang kalipunan ng mga paniniwala at ritwal ng
isang pangkat ng tao tungkol sa kanilang Diyos. Ito rin, gaya ng wika, ay
napakahalaga dahil ito ang nagiging batayan ng pagkilos ng tao sa kaniyang
pang-araw–araw na pamumuhay. Ang lahi ay
ang pisikal o bayolohikal na katangian ng isang pangkat habang ang pangkat-etniko ay mga mamamayang
pinag-uugnay ng magkakatulad na kultura, wika, relihiyon at pinagmulan.
Mahalaga rin ang dalawang ito sapagkat tinutukoy nito ang pagkakakilanlan ng
isang pangkat ng tao at isang dahilan ng pagiging natatangi ng mga taong
naninirahan sa ating mundo.
No comments:
Post a Comment