Thursday, July 31, 2014

Paghakbang Patungo sa Pag-unlad

            Malaki ang naging pag-unlad sa mga kagamitan at pamumuhay ng mga sinaunang tao. Maraming mga paghakbang ang naganap bago sila makatuklas ng iba't ibang mga bagay at kaalaman na maaaring makatulong sa kanila sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Bawat yugto o panahon ay nakatutuklas sila ng bagong kaalaman. Noong panahong Paleolitiko, natuklasan nila ang apoy na pampainit at nagkaroon ng relihiyon. Noong panahong Mesolitiko, naka-imbento sila ng paragos o sleigh. Noong panahong Neolitiko, natuto rin silang magpakinis ng bato at gamitin itong armas o sandata. 

          Umunlad ang kanilang mga kasangkapan dahil natuto silang gumamit ng mga metal, bato, at iba pa na ginagamit nila sa pang-araw-araw nilang pamuuhay. Umunlad naman ang kanilang pamumuhay dahil natuto silang mangaso at mangisda hanggang sa natuto silang magsaka, magpakinis ng bato, magpanday at iba pa. Kasabay din nito ay ang pag-unlad ng kanilang pamumuhay. Ito ay dahil sa mga natuto sila ng mga gawaing pangkabuhayan at natuto din silang mangalakal. Umusbong ang mga lungsod at pamayanan hanggang sa unti-unti nang umunlad sila ng umunlad.

          May malaking kaugnayan at mahalaga naman ang konseptong ito sa kasalukuyang panahon. Mahalaga ito dahil sa pamamagitan nila, matututunan nating harapin o pagdaanan ang ilang mga problemang hinarap nila noon na maaaring hindi nila nagawa ng ayos. Halimbawa lumindol noon, hindi nila alam ang kanilang mga gagawin, ngayon alam na natin ang tamang gagawin. Mahalaga rin ito dahil sa mga sinaunang tao, nagagawa natin ngayon ang mga gawain o bagay na natutunan nila noong sinaunang panahon ngunit nagkaroon lang ng kaunting pag-unlad. Halimbawa, ginagamit pa rin ng iba ang mga halaman bilang panggamot ng ilang sakit gaya ng ginagawa ng mga sinaunang tao noon.


Sunday, July 13, 2014

Kahalagahan ng Heograpiya

          Marami akong natutunan sa aming mga nakaraang talakayan o diskusyon sa Araling Panlipunan. Unang paksa, napag-aralan namin ang tungkol sa Pisikal na Katangian ng Daigdig. Dahil dito natutunan ko ang tungkol sa estruktura ng daigdig, plates, hemispheres, longitude at latitude, Prime Meridian, Equator, International Date Line, at iba pa. Natutunan ko rin  ang tungkol sa klima. Ito ang kalagayan o kondisyon ng atmospera sa isang rehiyon o lugar sa matagal na panahon. Maraming mga salik ang NAKAAAPEKTO sa klima ng isang lugar o rehiyon at ang mga ito ay ang natatanggap na sinag ng araw ng isang lugar depende sa latitude at gayon din sa panahon, distansya mula sa karagatan, at taas mula sa sea level. Dahil dito napagtanto ko na mahalaga ang klima ng isang bansa dahil ito ang pinagbabasehan ng mga kilos, pananamit, at hanapbuhay ng mga tao sa isang lugar o bansa. Mahalaga ang longitude at latitude sapagkat ginagamit ito sa pagtukoy ng lokasyon ng isang bansa o kahit anong parte sa mapa sa paraang “absolute,” “astronomical,” o tiyak. Napag-aralan at natutunan ko rin ang 7 kontinente sa mundo na may iba’t ibang katangian. Natalakay din ang topograpiya o ang pisikal na katangina ng isang lugar o rehiyon. Ito ang mga anyong lupa tulad ng mga bundok at anyong tubig tulad ng mga karagatan.

          Ikalawang paksa naman na aming napag-aralan ay ang Heograpiyang Pantao. Saklaw nito ang wika, relihiyon, lahi, at pangkat-etniko. Ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang bansa ay may iba’t ibang wika na tinatayang 7,105 ang buhay. Ang wika ay napakahalaga dahil ito ang itinuturing na kaluluwa ng isang bansa at nagbibigay ng pagkakakilanlan sa mga taong kabilang sa isang pangkat. Iba’t iba rin ang relihiyon ng mga tao sa mundo tulad ng Kristiyanismo, Islam, Buddhismo, atbp. Ang relihiyon naman ay ang kalipunan ng mga paniniwala at ritwal ng isang pangkat ng tao tungkol sa kanilang Diyos. Ito rin, gaya ng wika, ay napakahalaga dahil ito ang nagiging batayan ng pagkilos ng tao sa kaniyang pang-araw–araw na pamumuhay. Ang lahi ay ang pisikal o bayolohikal na katangian ng isang pangkat habang ang pangkat-etniko ay mga mamamayang pinag-uugnay ng magkakatulad na kultura, wika, relihiyon at pinagmulan. Mahalaga rin ang dalawang ito sapagkat tinutukoy nito ang pagkakakilanlan ng isang pangkat ng tao at isang dahilan ng pagiging natatangi ng mga taong naninirahan sa ating mundo.